Sunday, April 28, 2013

Isang Sabado ng Hapon..

Maga-alas kwatro ng hapon nang nagising ako sa aking pagkakaidlip. Niyapos niya ako. Lapat na lapat ang buong katawan niya sa aking likod. Medyo madilim ang kwarto nung oras na iyon. May kokonting liwanag lang ang nakasilip sa siwang ng kurtina na galing sa labas. Tahimik. Ingay ng aircon lang ang naririnig ko habang nakikiramdam. Naisip ko, teka magaalas-siyete na kaya? Kelangan ko na bang pumasok? Maya maya pa't siya'y nagsalita.
"Tapos ko na yung ikalawang box. Naisara ko na at nai-tape ko na rin yung ilalim ng pangatlo. Mahal, namimiss na kita.. mamimiss kita."
Katahimikan.
Minulat ko ng daha-dahan ang mabibigat na mga mata. Maya maya'y nakarinig ako ng isang buntong hininga. Ilang singhot. Mga tila patak ng tubig sa unan. At matinding pagpalahaw.
Nagulat ako. Hinde rin pala ako nananaginip. Sabado pa pala ng hapon. Niyakap ko siya. Mahigpit. Matagal. Walang tigil ang mga patak sa unan. Hinarap ko siya na basang basa ang mukha sa luha. Niyakap ko siya. Wala akong masabi. Hinde ko alam kung ano ang umaandar sa isip niya ngayon.
"Paano na ako? Hinde ko ata kayang hinde ka makita sa tabi ko paggising sa umaga. Hinde ko kaya mahal." Sabay palahaw ng iyak. Pamilyar ang ganitong anyo. Nakita ko na ito nung pumanaw ang kanyang ina.
Nakakalungkot. Hinde ko pa maisip ang mga iniisip niya. Mahigpit ang pagkakayakap ko sa kanya habang hinahagod ang likod para tumahan na siya.
Siguro naiisip niya yung paglalambing ko sa umaga.
Wala nang maglalagay ng post-its sa kwarto at sa banyo.
Wala na siyang kasabay magsipilyo at maligo.
Walang magmamaktol dahil napanaginipan kong pinagpalit niya ako.
Walang na siyang kasama sa panonood ng tv series at pelikula gabi-gabi. Wala na siyang ka-appearan kapag patok ang punchlines. Walang humahagalpak sa kakatawa. Wala na rin kayakap kapag nakakatakot ang eksena.
Sino ang kasabay niyang magkape, magalmusal o kumain sa labas?
Paano na ang mga meryenda, mga sorbetes at iba pang weird cravings sa gabi.
Na kahit inaallergy sasamahan siya kumain sa KFC at Popoye's.
Yung kahawak kamay niya kahit sa kotse o sa pagkain o panonood ng tv. Basta kahit saan. Yung walang pakialam kung PDA na.
Yung partner sa pagdyi-gym, pagtakbo at pagexercise. Kasama sa paglaro ng ps3 o pagtugtog o pagvideoke.
Sino na ang makakasama tumawa sa panonood ng japanese prank shows at thai commercials at pag critic sa fliptop at mga nagcocover sa youtube.
Wala ng daily email sa office account, sms at chat.
Wala nang ipapamalantsa, ipaglalaba at ipagtutupi ng damit. Wala na ring susunduin tuwing alas-sais y media ng gabi.
Sino pa ang titingin kung maluwang sa kanan o kung may oovertake at kung kasya ang kotse sa pagpaparkingan.
Yung mangungulit sa mga pusa at magtatanggal ng balahibo nila sa mga damit at gamit sa bahay.
Yung makakamiss ng amoy niya sa umaga. Yung hahalik sa lahat ng sulok ng katawan niya. Yung walang gustong gawin kundi yumakap lang buong maghapon kahit di na kumain.
Hinde na siya maipagluluto ng masasarap na hapunan.
Siguro iniimagine niya na wala nang magpipisik ng pabango sa polo niya tuwing umaga.
Siguro bumabalik yung mga panahong nagsisimula pa lang kami. Yung naglilipat kami ng bahay. Yung maleta at PC lang ang aming mga gamit. Hanggang sa dumami ang mga iyon at magkaron na kami ng kumportableng tirahan. Yung simple lang ang lahat at wala pa kaming alam sa kung ano ang mangyayari samin matapos ikasal.
Kung ito man ang ilan sa tumatakbo sa isip niya nung sandaling iyon, naisip ko nakakalungkot nga. Wala akong masabi. Tumulo lang rin ang luha ko habang nagsisimula na ring magflashback sakin ang mga mamimiss ko sa kanya.
Nang siya'y nahimasmasan, napagusapan namin kung ano ang mga gagawin niya kapag wala na ako. Kung papaano siya kakain. Ang mga scheduled activities namin habang magkalayo. Ang kanyang magagastos buwan-buwan. Naihanda ko na rin ang bahay para konting linis na lang ang gagawin niya at hinde na siya masyado mahihirapan. Naturuan ko na rin siya sa kung paano ang diskarte sa kotse at sa mga pusa.
Hinde pa nagsisink-in sa akin kung ano ang mararamdaman ko kung magkalayo na kami. Hinde ko pa iyon nakikita kahit isang buwan na lang ang itatagal ko dito.
Hnde ko pa rin naiisip ang mga gagawin ko habang magkalayo kami gaya ng mga napagplanuhan namin sa sitwasyon niya.
At hinde ko pa rin naiisip ang gagawin ko kung papaano makarecover.
Makakaya ko ba?
:(

No comments:

Post a Comment