Nagising ako kanina ng mas maaga sa mga nakaraang araw. Hinde dahil sa alingaw-ngaw ng alarm clock o pangungulit ng mga pusa kundi sa kung ano mang kagaanan ng loob na nararamdaman. Hanggang ngayon hinde ko pa rin ito maipaliwanag.
Matapos kong tingnan ang telepono at makitang may oras pa para magyakapan at mag-almusal, niyapos ko si Rob. Hinalikan. Ilang ulit para magising. Niyakap niya ako ng mahigpit. Sabay palitan kami ng "I love you." habang nakapulupot ang aming mga katawan sa isa't-isa. Ilang sandali pa ay nag-alarm na ang telepono niya. Kinuha niya iyon at sinabi, "Bago tayo mag-almusal eto muna.." pinakita niya sa akin ang telepono at binasa ang nakasulat mula sa isang Bible app:
"Whatever you ask in my name, this I will do, that the Father may be glorified in the Son. If you ask me anything in my name, I will do it." (John 14:13-14)
Tinanong niya ako kung ano ang pagkakaintindi ko. Sabi ko lamang, "Na kung meron kang hihilingin, idulog mo sa kanya. Ipagdasal mo iyon sa ngalan niya dahil sabi nga sa simbahan, alam niya ang kailangan mo. Kailangan mo lang lumapit at matutuwa siya kung kikilalanin mo na siya ang makakapagbigay sa iyo nun."
Dagdag ko, "Hinde ko kasing magawang humiling sa Diyos ng mga bagay-bagay kasi baka sabihin niya hingi ako ng hingi. Nahihiya ako,marami na kasing taong humihingi ng tulong niya."
Sagot niya sakin, "Kahit sa isang kaibigan, magulang, o kahit para sa akin bilang asawa mo..kung hinde ka hihingi ng tulong sa amin, hinde namin maaappreciate. Parang ganun yun."
Niyakap niya ako ng mahigpit at nagdasal. Nalunod ako sa mga nasambit niya. Mga taos pusong pagpapasalamat sa araw at bagong mga pagkakataon para matapos ang mga gawain at maging instrumento dito sa lupa. Walang personal na hiling kundi proteksyon at kalinga lamang sa aming mga pamilya. Na bigyan kami ng kalinawan sa mga plano niya sa amin. Pagpapasalamat at hiling sa mas marami pang pagkakataon na purihin Siya sa gitna ng kasiyahan, kalungkutan, problema, o kasaganaan. Hiling na pisikal at pangispiritwal na katatagan at hinde makalimot na andiyan lamang Siya kasama namin.. Na hinde lamang kami dalawa sa buhay kundi Tatlo.
Tuloy-tuloy ang pagpatak ng luha ko sa basa na niyang Tshirt. Nung narinig niya ang pagsinghot ko, pinagdasal niya rin na sana gumaling rin sana ang aking sipon. Natawa ako. Napansin ko rin na tila tahimik na nakikisama sa aming dasal ang mga gutom na naming mga pusa.
Ang tanging dasal ko ay mapayapang buhay at kaliwanagan sa puso ng aking mga kapamilya. Kaligtasan ng aking asawa sa lahat ng oras at pasasalamat sa kanyang pagmamahal.
Niyakap ko siya.
Mahigpit.
At hinagkan.
Tunay.
Na maganda ang umaga.
-k
No comments:
Post a Comment