Tuesday, April 23, 2013

Towards Deliverance

Bilib ako sa mga taong spontaneous. Yung tipong iisa ang daloy ng utak at bibig. Wala halos dead air o awkward fillers sa pananalita. Tuloy-tuloy. Parang alam na alam ang sinasabi.

Pero mas bilib ako sa mga taong may spontaniety sa PAGDADASAL. Wala ako nun e. Yung tipong iisa ang daloy ng bibig, utak at PUSO. Yung tipong ang fillers nila e pangalan ng Diyos in different variations. Pwedeng "Ama", "O Diyos", "Panginoon", "Lord", atbp. Ni hinde ako makapag-lead ng prayer. Marahil nasanay at mas kumportable ako na Siya lang ang kausap ko. Yung walang makakarinig. Yung kami lang dalawa. Tipong kahit fragments o phrases lang ang sabihin ko, nagkakaintindihan na kami.

Kaninang umaga, binasa ko ang mensahe sa amin para mapagnilay-nilayan:

"You are my hiding place; you will protect me from trouble and surround me with songs of deliverance." (Psalm 32:7)

Simple lang naman ang pagkakaintindi ko. Literal. Na ang Diyos ang aking takbuhan na siyang magpprotekta at magliligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan. Ilang sandali pa'y nagdasal ako ng pasasalamat dahil alam ko naman na andyan ang Diyos para ako'y iligtas at palayain. Matapos nun ay may dead air. Hinintay ata ako ni Rob magshare ng palagay ko sa binasa kong verse. Pero siya ang nagpatuloy. Sa loob-loob ko, mukhang ako ang magdadasal mamaya ah. Pero nagdasal na ako kanina nung nabasa ko yung verse e. Naramdaman niya ata na hinihintay ko lang siya kaya siya ang nagpatuloy.

Aniya, "Itinuturo sa atin na ang Diyos ang tagapagligtas natin sa lahat ng kapahamakan at problema sa buhay. Siya ang ating takbuhan na magpapalaya sa atin sa mga ito. Siya ang magbibigay lakas sa mga ating mga inhibitions at kahinaan. Hinde lamang sa mga problema at kapahamakan tayo niya maililigtas kundi sa mga temptasyon na maglalayo sa atin sa tamang landas. Gaya ng nabanggit kahapon, basta dumulog lang sa kanya.. hingiin lamang ang tulong ng Panginoon ay sasaklolo Siya sa panahon ng pangangailangan."

"Kahit sa buhay natin dalawa sa hinaharap. Maraming darating na mga tukso. Huwag lang nating kalimutan na humingi ng kaliwanagan at kalakasan sa Kanya upang hinde tayo madala sa maling asal. Mahirap mabuhay sa pagkakasala. Subalit siya lamang ang magiging susi natin sa kaligtasan."

Pinagpatuloy niya ang aral sa pamamagitan ng dasal. Tila kasi natameme lang ako sa pagkakayakap sa kanya sa kama habang nakikinig.

"Panginoon maraming salamat sa bagong araw na pinagkaloob Niyo. Maraming salamat sa mensahe niyo sa amin. Sa bagong pagkakataon na mapagaralan at lalong makilala ang inyong kadakilaan at purihin namin ang inyong ngalan."

"Salamat po at kayo ang aming tagapagligtas. Alam namin na sa aming paghingi ng tulong sa inyo, kayo man ang nakakubling dako subalit hinde kayo nagtatago. Naghihintay lamang kayo sa aming pagdulog sa inyo."

Habang pinagdasal niya ang pagbilis ng araw ng aking pagkakapahinga. Pinagdasal ko sa isip ang kalusugan ng mga kamaganak at kanya-kanya naming pamilya. Pinasalamatan niya at hiningi ng patnubay at pagpapala rin ang aming pagsasama. Pinasalamatan muli ang presensya ng Panginoon sa aming buhay.

Nalunod ako sa mga narinig ko. Nakaramdam ako ng mas malalim na tiwala at pagmamahal sa kanya. Ang mga salita at tono ng asawa ko ay siyang tipong pamilyar lamang sa akin kapag ako ay nagsisimba tuwing Biyernes. Ni hinde ko nga magamit ang "Panginoon" sa aking personal na pakikipagusap sa Kanya. Pero narito ang asawa ko na taos pusong pumupuri sa Diyos.

Nagpapasalamat ako na unti-unti Niya kaming binabago. Na lalo namin siyang nakikilala at minamahal. At lalo kaming nagiging matatag bilang mag-asawa sa tulong Niya gayundin bilang mga kristiyano. Marami pa akong kakulangan. Pero positibo ako na sa tulong ng aking asawa ay mas lalo akong kakapit sa Diyos.

Darating din siguro yung araw na magagapi ko rin ang aking mga reservations. Na sakaling magkaroon ng mga pagsubok sa buhay, mga alinlangan, at iba pang mga lubak sa aking pananampalataya ay una kong tatakbuhan ang kanlungan ng Panginoon.

Ang gaan na ng bawat umaga.
Parang may kakaiba akong gana at lakas bumangon sa kama.
Ang pakikipagusap sa kanya pagkagising kasama ni Rob ay naging paborito ko nang parte ng aking araw.

-k

No comments:

Post a Comment