Saturday, May 25, 2013

Langit

"If only for this life we have hope in Christ, we are to be pitied more than all men." 
(1 Corinthians 15:19)

Maganda ang service last Friday. Nasagot yung tanong ko kay Rob nung Huwebes. Napansin ko nga na paulit-ulit na lang talaga ako e. Sa kabilang banda, iisa at pauli-ulit rin ang sagot ng asawa ko. Wala naman kasing dapat nang itanong dahil parati naman na itong sinasagot. Ang kulit ko lang.

---

Kamatayan.

Sa ayaw man natin o hinde e matatapos ang buhay ng bawat isa sa atin. Maaring aksidente ang pagkamatay o dahil sa karamdaman. Maaring habang bata pa o sa katandaan. Pwedeng may hirap o pwedeng habang natutulog matapos ang lahat. At pwede ring mamaya lang o kaya'y sa malayong hinaharap. Basta ang alam natin, wala tayong kontrol. Hinde natin alam kung kailan. Hinde planado pwera na lang kung self-inflicted na (i.e. unhealthy lifestyle o suicide).

Karaniwang nababalutan ng lungkot o takot ang ideya ng katamayan. Iniiyak ito at kinasasakit ng dibdib. Isa rin ito sa dahilan kung bakit pinagdadasal ko ngayon pa lang na maging matatag ako sa hinaharap sakaling may mawala sa aking pamilya o kaibigan. Mahirap mawalan ng mahal sa buhay. Mahirap tanggapin. Masakit.

Ang sabi sa Bibliya, ang mundo natin ay hinde permanente. Na may mas hihigit pa sa buhay natin dito sa lupa. Na ang mundong ginagalawan natin ngayon ay puno ng kababawan: lahat umiikot sa vanity, yung tipong maganda lamang sa mata at may dalang convenience. Nasabi din na sakaling matapos ang buhay natin dito sa lupa, naghihintay sa atin ang buhay na walang hanggan kung saan wala nang hirap o problema. Ang sarap siguro dun.

Samakatuwid, ang kamatayan ay makikitang katapusan sana ng lahat ng hirap sa mundo. Kumbaga graduate na ang isang tao at patungo na siya sa totoong buhay. Sa isang perpektong sitwasyon, dapat ang patutunguan ng taong namayapa ay ang langit.

---

Langit.

Ang sabi sa Bibliya, ang langit daw ay malawak, maganda, maliwanag at maaliwalas. Ang sabi rin, ang sinumang tagasunod ay may nakahandang mansyon sa kaharian ng Diyos. Naroroon sa langit ang Panginoon. Although, alam natin na kahit saan naman ay naroon ang presensya niya, pero alam lamang natin iyon dahil sa ating pananampalataya. Ang kagandahan ng pagpunta sa langit ay makakapiling natin ang Diyos. Kapag naroon na tayo, hinde na natin kailangan ng pananampalataya dahil makakasama na natin Siya sa kanyang tirahan. Sa wakas, ito na ang pagkakataon  na makita na natin Siya.

Ang langit rin ang nagsisilbing pag-asa natin sa lupa. Ang dahilan kung bakit kailangan pagsumikapan natin na makaya ang mga pagsubok habang nananatiling matapat sa Kanya. Sa madali't sabi, may silbi ang lahat ng hirap natin sa mundo, hinde lang para matuto, maging malakas sa iba pang hamon, kundi ito'y investment para na rin sa kung ano ang naghihintay sa atin sa kabilang buhay.

Paano ba makakarating sa langit? Maganda ang diskusyon sa paksang ito na aking na-appreciate. Dapat daw, maging mabuting mamamayan ng langit habang naririto pa lang tayo sa lupa. Paano? Sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Gawin ang tama. Mahalin ang kapwa na gaya ng pagmamahal Niya sa atin. Maging tapat. Maging mapagkumbaba. Marami pang pagpapahalaga at paraan upang makalikom ng puntos para sa lugar natin sa itaas. Marapat na habang maaga e ilagay natin sa isip at puso na ang buhay natin sa lupa, mahirap man o madali ay ang magiging susi natin sa regalong buhay na walang hanggan sa piling Niya. Isa itong investment na hinde makukuha kung walang pananampalataya, disiplina, at kung hinde paghihirapan.

Mahirap kwestyunin ang mga bagay na hinde maaarok ng ating utak. Kaya ngayon, araw-araw kong iniisip na hinde panget ang mga pagsubok sa buhay. Kung iisipin kasi, hinde naman madali ang naging buhay ng mga santo, martir at iba pang deboto. Kaya bilang isang normal na kristiyano, bakit ako maghihimutok o papalahaw ng iyak sa mga mas simpleng problema at sakripisyo. Mayroon atang langit na naghihintay sa akin.

Magandang umaga.
:)

No comments:

Post a Comment