Nakakalungkot isipin
na ilang araw na ring binabaha ang News feed ng Facebook namin ng mga
pag-uulat sa lakas ng ulan at patuloy na paglaki ng baha sa ilang lugar
sa Pilipinas. Kahit medyo kampante naman ako na hinde babahain ang mga
pamilya namin pareho sa Bulacan at Laguna, andito pa rin ang pag-aalala
na baka madulas ang Lola ko sa kanyang nilalakaran o baka na-stranded na
ang ilang mga kaibigan o kamag-anak sa daan. Taimtim kong pinagdadasal
ang kaligtasan ng lahat lalo na ng mga mahal namin sa buhay. Subalit
para sa akin, ang pagbaha tuwing may bagyo sa buhay ng Pilipino ay
parang init sa tag-araw o kaya'y lubak sa mga kalye sa Maynila ---
Nakasanayan na.
Ang
kalyo ko sa kanang palad ay hinde parin maalis-alis kahit babaran ko ng
ilang container ng petroleum jelly. Malamang habambuhay nang bakas ito
ng aking kabataan. Sa lugar na pinaglakihan ko sa likod ng SM North sa
Quezon City, mahabang ambon man o malakas na bagyo e hinde pinalagpas
ang bahay namin na pasukin ng baha. Kabisado ko na ang mga matitibay na
bato at tubo na aking luluksuhin (kahit nakapikit pa) sa tuwing ilulubog
ng maitim na tubig na pinaghalong kanal, ulan, ihi ng aso ang aking
dadaanan papunta ng pinto ng aming bahay. Hinde na rin supresa na
sasalubong sa akin ang tubig baha na lulusungin ko sa aming sala
papuntang kusina. Pagkababa ko ng aking school bag sa taas ng mesa at
suot lamang ang panloob na shorts at unipormeng blusa e tila automatic
na sa akin na dadamputin ko ang dustpan at ilalabas ang tubig sa loob ng
aming bahay (Nakabuo pa ako ng mabisang paraan no'n upang hinde agad
mangalay ang kamay at braso sa pagdakot ng tubig-baha palabas ng pinto).
Yun e kung mejo mahina-hina na ang ulan. Kung malakas lakas pa ang
buhos nito e itatabi ko muna ang ilang mga gamit, papatayin ang mga
appliances na nakasaksak, iinspeksyunin ang mga pamilyar na mga tulo
galing sa butas ng bubong namin at maglalagay ng mga palangganang may
basahan sa loob (iwas talsik ng tubig sa sahig), paaakyatin ang mga
alaga naming pusa at aso sa mga kwarto sa taas ng bahay o kapag naiinip
ako sa paghihintay ng aking maaksyon na paglilimas e gagawa muna ako ng
assignment. Mapalad pa nga ako no'n kung may kuryente. Kaya kasama rin
sa paghahanda ko ang ilang mga kandila at posporo kung mamalasing
mawalan ng ilaw. At pucha kung malakas ang trip ko at talagang naiinip e
lumalabas pa ako ng bahay, maghahanap ng sasagiping mga pusa na
aampunin sa araw na iyon dahil sa bagyo o kaya'y tuluyan nang maliligo
sa ulan. Walang makakapigil sa akin dahil ang Mama ko e nasa opisina pa
at ang Kuya ko naman ay gabi pa ang uwian galing eskwela.
Marami-raming
gamit na rin namin ang nasira dahil sa ulan at sa baha. Mismong ang
bahay namin, kahit ilang beses pang ipagawa ng Mama ko e sadyang
bumibigay minsan sa hagupit ng mga bagyong dumaan taon taon. Sa
mumunting gulang ko no'n kahit mapagod ako kakalimas ng baha pagdating
sa bahay e inaasahan ko paren ang pagbisita nila para i-suspinde ang mga
klase. Siguro ang tangi ko lang kalungkutan na nararamdaman e yung
hinde ko makuha lahat ng mga hayop na nasa kalye na posibleng nanlalamig
o walang masilungan sa lakas ng ulan. Batid ng aking murang gulang no'n
na dahil wala kaming pera upang makalipat sa mas maayos at mas mataas
na lugar na hinde binabaha, kailangan ko lamang magtiis at ikibit
balikat ang normal nang dinaranas namin no'n tuwing umuulan (uulitin ko,
malakas o mahinang ulan.. binabaha kami). Kahit ipalinis o ipakalkal pa
ni Mama ang kanal malapit sa aming bahay na umaapaw sa bawat pagbuhos
ng ulan, nandiyan paren ang pagbaha. Hinde rin naman kasi kaya ng mga
halamang tinanim namin ni Lola na inumin ang lahat ng tubig-ulan sa
buong barangay namin. Ano pa ba ang magagawa di ba?
Sa
paglipat namin sa unang bahay sa Laguna nung 4th year hayskul ako,
malaking ginhawa rin na sa tuwing umuulan ay hinde ko na kailangang
maghanda ng sarili upang sagupain ng buong lakas ang paglimas ng baha at
pagdisinfect ng buong kabahayan pagkatapos. Tulo na lang ng bubong kung
minsan pero bukod don e kuntento na ako. Sa aking unang trabaho e
naranasan ko na rin ang lumusong sa baha sa lansangan. Wala nman nang
bago doon. Parang bumabalik lang ang dati nang nakasanayan. Naranasan ko
ring ma-stranded sa daan pauwi galing ng opisina. Nabago man ang aming
buhay (at bahay), may mga bagay pa rin na sadyang permanente:
1. Madalas pa rin umulan o bumagyo sa Pilipinas.
2. Binabaha pa rin ang karamihan sa mga lugar na tinatamaan nito.
...
Pwera
na lang kung sama-samang itutulak natin ang Pilipinas patungong Africa o
sa mga bahagi ng mundo kung saan bibihirang daanan ng bagyo, malamang
hinde na natin mararanasan ang hagupit ng kalikasang ito. Kaso hinde na
mababago ang lokasyon ng bansa e. Dadaan at dadaan ang panahong Tag-ulan
sa buhay natin. Para sa akin, bibihira ang pagbaha kung tayo lamang ay
handa.
Hinde
ako turuan nung bata pero isinabuhay ko ang simpleng utos na pagtapon
ng kalat sa basurahan. Dinala ko yun mula bata, habang nag-aaral
hanggang sa ngayon. Kung walang basurahan sa paligid, binubulsa ko ang
ticket ng bus o balat ng sinisipsip na kendi. Kung naaalibadbaran ako sa
kalat na nakikita ko sa daan, kahit hinde sa akin, ay pinupulot ko at
tinatapon sa natatanaw na basurahan.
Napaka-basic at civilized na panuntunan sa buhay: Huwag magkalat.
Sa kasamaang palad, hinde lahat ng tao ay sensitibo sa kapaligiran
nila. Banyagang kaalaman pa nga ang pag-recycle. Ang alam lang ng mga
ninuno natin noon e mag-siga ng dahon.
Umuulan
lang naman dahil ang tubig na galing rin sa mga ilog at dagat ay
bumababa galing sa mga ulap. Elementary Science. Wala namang surplus ng
tubig na kinuha ang kalikasan galing sa kalawakan. Hinde maco-contain
ang tubig-ulan kung hinde rin tayo nagpaulan ng mga basura na siyang
nagbabara at nagpapalubog sa atin ngayon. Dagdag pa dito, hinde na nga
nagtatanim ang karamihan sa mga tao, mas marami pang mga pagkalbo ng
kagubatan ang nagaganap para lamang sa pagdevelop ng mga lupang
pagpapatayuan ng mga malls, condominiums, subdivisions, etc.
3. Hinde pa rin sensitibo ang mga Pilipino sa kanilang kapaligiran / kalikasan.
Hinde
paninisi sa gobyernong kadalasang nabubulagan na sa kanyang mga
priorities, kung hinde mismo tayong mga Pilipino, collectively, ang
dapat sisihin kung bakit sa lahat ng mga bansang dinaanan ng bagyo e ang
Pilipinas mostly ang masamang naaapektuhan. Hinde naman tayo paboritong
i-bully ng inang kalikasan na kung maisipan niya na magsabog ng bagyo e
ang Pilipinas ang unang naka-lista sa kanyang handy dandy notebook.
Maraming dinadaanan ang bagyo pero sa ibang lugar, pinaghahandaan ng
gobyerno at ng mga mamamayan ang nakaambang hagupit ng kalikasan na
hinde kontrolado ng kahit sinuman. Hinde kasi ito tipong *poof!*
um-appear agad sa mapa ng Pilipinas yung ominous red colored thingy na
pinapakita sa mga weather reports ng PAGASA.
Boring
na usapan, oo. Pero sa totoo lang, tanungin ang normal na
Pilipino tungkol sa konsepto ng Sustainable Development e mapapakamot na
lang siya ng ulo. Pero mas striking sa kanya ang coincidental na
pagtugma ng petsa noong isang araw sa Genesis 8:7-12. Diyan tayo
magaling. Tsk tsk. No wonder napapa-smile na lang tayo sa gitna ng mga
trahedyang tulad nito.
No comments:
Post a Comment