Sunday, June 2, 2013

Labstory

Gaya ng iba, noong bata ako gusto ko ng happy endings at fairy tales. Sa mga pelikula, mas interesado ako sa karakter ng lalaki na matalino, tahimik, medyo suplado, at torpe tapos sa huli e sobrang maiinlab sa isang nakakatawa o cowboy na babae. Yung lalakeng ito ang makakapagpabago sa ugali niya at yung babae naman ay makakaranas ng tunay na pagmamahal mula dun sa isa. Ang typical na labstory ko rin na gusto kong magkaroon noon e dapat maging magbestfriends muna kami tapos magdedevelop sa huli. Andun kasi yung anticipation na kelan kaya magtatapat yung guy o kaya napapansin kaya nung girl yung biglang seloso at protective ng kaibigan niya sa kanya. Andun din na iba na ang tingin ng isa't-isa. Papasok diyan yung mga kilig moments. Parang yung sa kanta ng Parokya ni Edgar na "Minamahal Kita". Ganun! Hinde ako masyadong fan ng introduction at courtship. Awkward e. Gusto ko kasi kaibigan ko na ang aking magiging nobyo. Mas makikilala at magiging palagay kasi ang loob ko sa kanya sa katagalan ng pagkakaibigan at matatanggap ko siya sa kung ano siya at ganun rin ako sa parte naman niya. Masayang mainlab at mainspire ng mga lovestories na gaya nang sa pelikula dati. Subalit kapag tumatanda ka na at marami nang pinoproblema, ewan ko lang kung gaano kadalas sumasagi sa isip ang mga iyon.

Nitong mga nakaraang limang taon, napansin ko ang pagbabago ng aking mga priorities maging ng aking ugali. Hinde na ako dating kasing kalog at masayahing babae unlike nung nasa Pilipinas pa ako. Natatalo na rin ako ng mga problema at hinde na rin ako optimistic. Masyado na akong praktikal at realistic. Hinde na ako nangangarap. Sabi nga ng nanay ko, "Libre na nga hinde mo pa gawin." Marahil dahil sa nakuha ko na ang labstory ng buhay ko. Kasal na ako 22 anyos pa lang ako. Walang pagsisisi. Pero dahil sa ako ito e kuntentong kuntento na ako sa buhay ko kasama ang aking asawa na hinde na ako panatiko lalo na nitong nakaraang taon ng mga madamdamin at may kilig-factor na mga palabas sa telebisyon. Mas gusto ko pang nanonood ng nakakatakot o nakakadiri o mga mas seryosong programa. Hinde naman masama iyon at mahal na mahal ko naman ang asawa ko. Kaso, parang hinde lang ako relaxed sa buhay. Hinde na emotional. Usually stressed ako at maraming iniisip, ni hinde magloosen up. Oo ngumingiti pero minsan hinde na mabiro. Dati ako ang nagpapatawa, ngayon ako na ang pinapatawa.

Napatunayan ko ito kahapon nang magdiskusyon kami ng asawa ko about sa aming mga plano. Biglang natunaw ang praktikalidad, ang takot sa uncertainties, ang pagiging makontrol sa mga bagay, ang pilit na paghawak ko ng aming kinabukasan sa sinabi ni Rob:

"Hinde ba pwedeng maging mahina ako at hinde makayang hinde kita kasama? Hinde ba pwedeng bigyan kita ng buhay na hinde ka mahihirapan o magtatrabaho? Bawal ba na ako ang maging mapaghanap, ako ang madamot at ang iyakin? Bakit sa Like Crazy, para lang makasama ng mas matagal ng babae yung lalake e nag-extend siya ng stay kahit di na pwede sa visa niya tapos yung lalake naman e lumipad ng UK para mapakasalan yung babae at makuha niya sa America? Bakit hinde pwedeng gawin natin ang mga bagay dahil sa mahal na mahal lang natin ang isa't isa? Bakit parang ako lang ang mawawalan? Bakit kailangan tatagan kesa mangulila? Bakit sa'yo kelangan lahat praktikal dapat ang lahat ng desisyon? Bakit ako, kapag tinanong ako kung bakit kumuha tayo ng dalawang pusa sasabihin ko "Mahal ko kasi ang asawa ko". Kpag tinanong kung bakit ako nagbubuhat at kumakain ng tama "Mahal ko kasi ang asawa ko." Bakit ako nagpa-promote "Mahal ko kasi ang asawa ko" Bakit ako nagbago at nagpapakabait "Mahal ko kasi ang asawa ko". Ikaw malamang ang sasabihin mo tungkol sa pusa, "E kasi naawa ako kaya kahit bawal kinuha ko." Tungkol sa pagwoworkout: "E para maging matagal pa ang buhay ko para sa baby natin." Tungkol sa promotion: "Para magkaron tayo ng mas maraming pera." Sa pagbabago ko at pagiging mabait: "E dapat lang kasi mabait din naman ako." Mahal, hinde ba dapat parati ang rason natin e, "Dahil mahal ko ang asawa ko?" Ganun ako e. Pinangarap kong magkaron ng napakagandang labstory gaya ng napapanood natin sa sine. Wala nang magmamahal sakin ng sobra gaya ng pagmamahal mo. Sana mabuhay lang tayo ng nagmamahalan at yun lang ang gawing dahilan sa lahat ng bagay. Ikaw ang labstory ko e. Kapag pinapakinggan ko yung "Huling Sayaw" naluluha ako e. Baka mahimatay pa ako sa lungkot pagkahatid ko sa'yo sa Airport. Mahal na mahal talaga kita, Mahal."

Di ko napigilang ngumiti.
Niyakap ko siya at hinagod ang likod.

Tapos ang usapan.


 
Like Crazy 
 
Huling Sayaw - Kamikazee